Description: We were asked to write about a column for our blog in one of major subjects (J117 – Online Journalism) and I wrote about the bill that Sen. JV Ejercito filed on December of 2023 which mandates the cooperation of DepEd and DOH to give free menstrual products to students and in health centers, respectively. In the bill, it was even stated that menstrual health has long been neglected so I wrote about why this should not be in the first place and that this bill is a good first step, but it’s far from the end goal of having free, accessible menstrual products and institutions for menstrual health, as well as dismantling the taboo about periods.

Isang panukalang batas na naglalayong gawing libre at aksesible ang menstrual products ang inihain ni Sen. Joseph Victor “JV” Ejercito sa Senado. Sakaling maipasa ang Senate Bill No. 2475 ay imamandato nito ang responsibilidad ng Department of Education (DepEd) sa pamimigay ng libreng menstrual products sa mga babaeng estudyante ng mga pampublikong paaralan. Gayundin, imamandato nito ang responsibilidad ng Department of Health (DOH) upang siguruhin ang pagpapamigay ng mga libreng menstrual products sa mga pampublikong health center.

Dagdag pa ni Ejercito, ang matagal nang kapabayaan sa menstrual rights ng kababaihan sa bansa ay pagsasawalang bahala din sa karapatan ng mga ito sa aksesible at abot-kayang menstrual products. Isa man itong malaking hakbang tungo sa pagkilala ng importansya at puwang sa lipunan ng mga karapatan ng kababaihan, umpisa pa lang ito ng laban.

Hangga’t nakabinbin pa rin ang panukalang batas na ito sa Senado, tinatayang nasa 500 milyong babae sa mundo ang nakararanas pa rin ng period poverty o ang kawalan ng access sa abot-kayang mga produkto para sa regla, pati na rin sa mga kailangang pasilidad upang masiguro ang epektibong menstrual hygiene management, ayon sa World Bank. Nakakatawa, hindi ba? Hanggang sa regla, may kahirapan pa rin.

Hindi na rin kataka-taka kung bakit dahil kung titignan ang mga presyo ng napkin, pantyliner, tampon, o kahit ang menstrual cup, mas mahal pa sa inaasahang minimum na pamasahe kapag tuluyan nang ipatupad ang PUV Modernization Program (PUVMP). Para ka na ring bumili ng maraming diaper, ang pinagkaiba lang ay kung ano ang sasaluhin nito. Mabuti pa nga ang pagbili ng diaper pwedeng iwasan dahil pwedeng hindi mag-anak. Eh ang regla?

Isa pa, kung kaya ng mga kagaya nating developing countries tulad ng Kenya, Uganda, at Zambia ang siguruhing may access sa libreng menstrual products ang kanilang kababaihan, ano ang pumipigil sa atin na isakatuparan ito?

Ang ilan sa mga nabanggit ay nagpapatupad na nito 2017 pa lang, bago pa magkaroon ng pandemya. Kung sigurong ipinatupad ito sa bansa nang ganitong mga taon ay siguradong malaking bawas na ito sa badyet ng kababaihan noon pa lang, mas lalo pa siguro nung pandemya. Pero kung ang ayuda nga noon ay pahirapan pang makuha, hindi na rin ako magtataka kung magiging pahirapan din ang pagpapamigay ng menstrual products. Baka nga walang pumila o tumanggap kasi mahihiya sila. Imagine, nakapila kayo tapos tatanungin kung para saan, sasabihin mo, “Para sa napkin.” Sa lipunan natin ngayon, tiyak pagtatawanan lang ang kababaihan kung sakali, at isa pa ‘yan sa mga kailangan nating pag-usapan.

2024 na pero parang taboo pa rin ang regla.

Hangga’t sa bulong-bulungan pa rin pinag-uusapan ang menstrual health, menstrual hygiene, at paghingi ng napkin, mas lalong kailangan ipagsigawan sa lipunan ang importansya nito.

Anong nakakahiya o nakakatawa sa pagreregla o sa dugo na inilalabas dahil dito kada buwan? Malaya ngang pinag-uusapan ng lipunan ang pag-ejaculate o pagjajakol ng kalalakihan eh, bakit ang regla hindi?

Panahon na upang masigurong hindi lang ang access sa libreng menstrual products ang dapat bigyang-pansin kundi pati ang pag-e-educate sa lipunan kung bakit hindi na dapat sa bulong-bulungan lang pinag-uusapan ang regla. Kailangan nauunawaan din ng kalalakihan at lalo pa ng mga magulang kung paano masisigurong suportado nila ang ganitong parte sa buhay ng mga anak nilang babae.

Dapat nagsisimula sa bahay at tutulay hanggang sa paaralan ang pagsisiguro ng mga kinakailangang pasilidad para sa epektibong menstrual hygiene management, tulad na lamang ng pagkakaroon ng hand-washing facility sa loob ng banyo para sa babae. Maaari ring isama ang paglalagay ng lagayan ng mga papel na hindi na ginagamit o scratch paper upang masigurong maayos na naitatapon ang mga pinaggamitang napkin.

At kung i-a-argue naman ang hindi pagiging environment-friendly at sustainable ng mga disposable napkin, parang sa usapin lang din ‘yan ng mga sachet ng tingi-tinging shampoo at iba pang hygiene products—hindi naman ito afford ng normal na Pilipino. Isa pa, dapat iatas ang responsibilidad na ito sa mga malalaking kumpanya na nagmamanupaktura ng mga ganitong produkto, hindi sa tao.

Kailan ba matitigil na isisi sa mga Pilipino ang mga problema ng bansa?

Mayro’n pa ngang nagkomento na bakit hindi raw magpatupad din ng batas para magkaroon ng condom-dispensing machine sa mga panlalaking banyo para raw maging “patas.”

Una sa lahat, bakit kailangan gawing patas para sa kalalakihan ang lipunang pinapaburan sila? Hindi pa ba sapat ang patriyarkal at macho-pyudal na lipunang deka-dekada nang tinitiis ng kababaihan?

At isa pa, choice ang pakikipag-sex, ang regla, hindi.

Tingin niyo ba kung may choice ang kababaihan ay pipiliin nilang tiisin ang pagreregla buwan-buwan hanggang sa mag-menopause sila?

Kung tutuusin, kasama na nga ang concern na ‘yan sa Republic Act No. 10354 o ang Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012. Ginagarantiya ng batas na ito ang libre at aksesibleng contraceptives, tulad ng condoms, na pwede makuha mula sa mga lokal na health office.

Walang konek ang pagkukumpara ng libreng menstrual products sa libreng condoms dahil ‘yung isa, ginagamit para sa hygiene at panukalang batas pa lang na nakabinbin sa Senado hanggang ngayon, samantalang ‘yung isa, ginagamit lamang kapag gusto at tinatamasa na sa kasalukuyan dahil isa nang ganap na batas, mahigit isang dekada na.

Malinaw na indikasyon ito na malayo pa ang laban para sa pagkilala ng karapatan at pagkakapantay-pantay sa bansang ito.

Pero kaya ‘yan, one napkin at a time.

Leave a comment

Designed with WordPress

Design a site like this with WordPress.com
Get started